PINAKAMAGALING NA MAGING MABUTI

“Minsan sa kagustuhan nating maging magaling nakakalimutan nating maging mabuti.”  Ito ang linyang tumimo sa aking kaisipan buhat sa pelikulang aking napanuod.

Ang mga tao ngayon ay nagkukumahog, nagmamadali kung paano  sila magiging pinaka magaling sa kung anong larangan man ang kanilang pinasok, gagawin ang lahat matamo lamang ang ganitong estado. Kesehodang mawalan sila ng oras sa kanilang mga mahal sa buhay na nagiging dahilan kung minsan kung bakit napapabayaan ng mga magulang ang kanilang mga anak; at isa sa posibleng epekto nito ay ang pagkalihis ng landas ng mga anak. Nandiyan na hindi maipasa-pasa ng mga anak ang kanilang mga grado sa kanilang eskwelahan o kaya naman ay nalululong na pala ito sa masamang bisyo hindi pa nila napapansin sapagkat abala sila kung paano ang maging magaling sa ibang bagay.

Minsan sa pagnanais na maging PINAKAMAGALING, nakapokus lang tayo sa ating sarili, lagi nating iniintindi kung paano natin mapapalago ang ating mga kakayahan at dahil dito nakakalimutan na natin kung paano ang makibagay sa ating mga katrabaho, nakakaligtaan natin ang salitang  pakikisama at ang masama pa nito sa pag-aakalang ikaw ang pinakamagaling, gusto mo laging ikaw ang masusunod, ikaw lagi ang bida, ikaw lagi ang tama!

Pero ito nga ba ang dapat?...Hindi ba mas akma na bilang tao  bago natin asamin ang na maging pinakamagaling hangarin muna natin kung paano maging MABUTI.

Maging mabuting magulang, para kung may manghihikayat man sa mga anak na lumihis ng landas, maiisip muna nila na napakabuti ng kanilang mga magulang kaya mahihiya na silang gumawa ng hindi tama.

Maging mabuting katrabaho, kahit na kung minsan nangangahulugan ito ng paghingi ng paumanhin sa mga taong nasaktan natin, kung ito naman ang magiging daan upang magkaayos kayo…bakit hindi?

Maging mabuting guro upang mas maengganyo ang mga mag-aaral na pumasok, papasok sila hindi dahil magaling si Titser na magturo, sa halip papasok sila dahil ramdam nila na mayroon silang pangalawang ina na madaratnan sa paaralan. Ina na handang umaruga, makinig at umintindi sa kanilang mga pagkukulang.

Maging mabuti sa paghahanap ng solusyon sa mga problema dahil hindi mahalaga kung naging pinakamagaling ka sa paglalapat ng solusyon sa mga karanasang ito bagkus ang tanong ay naging mabuti ka ba habang pinagdadaanan mo ang mga dilemang ito? Wala ka bang naapakan habang pinipilit mong kumawala sa kinasasadlakan mo? Dahil kung mayroon ka rin lang nasaktan o naagrabyado habang nilalabanan ang problema hindi mo pwedeng sabihin na nalampasan mo ang bagyo ng buong husay.

Dahil sa huli, ang pagiging mabuti ang isa sa mga maipagmamalaki mo  bilang tao at maaaring maging  marka o maiiwang legasi pagsapit ng takdang panahon.

Kung kaya anuman ang gawin sayo ng iyong kapwa maging mabuti sa lahat ng oras at sa lahat ng pagkakataon,sapagkat kapag ikaw ay mabuti, nagiging mabuti rin ang lahat sayo!

Mga Komento

  1. Tunay nga na karamihan sa atin ngayon ay masyadong pinagtutuunan ng pansin ang pagiging magaling kaysa sa pagiging mabuti. Hindi na iniinda kung may masasaktan at masasagasaan sa pagnanais na maging pinakamagaling. Nararapat lamang na sana ay wag nating kalimutan na maging mabuti sa iba dahil sa huli mas matimbang parin ito kesa maging magaling.

    TumugonBurahin
  2. Ang pagiging magaling ay bunga ng kasakiman. Kadalasan ang iyong kaalaman ay binabahagi lamang upang ipakilala ang iyong kagalingan at hindi upang makatulong sa iyong kapwa. Huwag kalilimutàn na ang paging magaling ay mabuti at ang pagiging mabuti ay magaling.

    TumugonBurahin
  3. Kaya madaming tao ang lumalaki ang ulo dahil sa alam nila na sila ang pinakamagaling ngunit hindi naman. Nakakalimutan na nilang maging mabuti na dapat iyon ang pairalin hindi yung kayabangan.

    TumugonBurahin
  4. Pinakamagaling ang Maging Mabuti kaysa Mabait! dahil hindi lahat ng Mabait ay Mabuti! May nabasa akong hinding hindi ko din malilimutan na tumatak sa puso'tisipan ko "Ang Kwento ni Mabuti ay isang maikling kwentong ni Genoveva Edroza -Matute" dahil tunay itong maykabutihan na may puso bilang isang ina at sa pagiging guro nito. Nagmahal at nagpaubaya.

    TumugonBurahin
  5. Sa isang bahagi sa bibliya sa 1 Samuel 16:7 ay ito ang pahayag. Sapagka't ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni't ang Panginoon ay tumitingin sa puso.
    Para sa akin napakahalaga ng nilalaman ng puso ng tao sapagkat dito mo makikita kung ano ang tao, ang kanyang ugali, karakter. Kung mabuti ba siya o mabait. At sa kasalukuyan kailangan na mabait ka kasi.ganito ang standard ng mundo. Ngunit lagi nating tatandaan na ang pagiging mabuting tao ay ano ang laman ng puso na nais mo ibahagi sa iba. Ang pagiging mabuti ay isa sa pinakamahirap matamo ng tao kahit pa man sikat ka o mayaman ka ngunit ang ugali mo ay di katanggap tanggap ito ay walang kwenta. Out of the abundance of the heart the mouth speak.

    TumugonBurahin
  6. Magangdang paalaala to,Maging mabuti upang maging magaling! sakit.info

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento